
Baguio Cancer Chat 2007 Transcripts
 |
Ang Tatlong Mahalagang Natutunan Ko Sa Kanser
By Carla Paras-Sison
Delivered at Cancer Chat in Baguio, 24 March 2007 |
Ako po si Carla Sison. Ordinaryong empleyado. Tulad ng marami sa atin, kailangan ko ring kumayod upang mabuhay ang aking pamilya. Ang asawa ko po ay editor sa diyaryo. Ako po ay manunulat. Dalawa po ang anak namin. Hindi pa po namin naranasang magbakasyon sa ibang bansa. Ang bahay namin ay nakasanla sa Pag-IBIG, 25-year loan.
Ordinaryong pamilya lang po kami. Wala kaming kamag-anak na milyonaryo. Wala kaming ipon ni isang kusing sa bangko, dahil ang kinikita namin, tama lang para sa pang-araw-araw na gastusin at upang makapagbawas ng utang.
Nang malaman namin na may kanser ako noong 2004, siyempre alam na kaagad naming hindi ako makakapagpagamot kung sariling kita lang naming mag-asawa ang aming aasahan. Kaya naman hindi kami tumanggi ng magkusa ang isang kaibigan na tulungan kaming ‘mamalimos' sa mga kaibigan at kamag-anak.
Gumawa siya ng website para ipaalam sa mga kakilala namin na ako ay nagkasakit at sobrang mahal ng pagpapagamot na hindi namin kakayanin ng walang tulong mula sa kanila. Binigyan ko siya ng 150 email addresses---mga kaklase mula high school, college, graduate school, mga kamag-anak ko at ng mister ko, mga dati naming ka-opisina. Sinulatan niya silang lahat at ang sinabi lang niya sa email, kung kilala mo si Carla, you can help her. Visit the website, www.ourownlittleway.org
Kaya ang unang natutunan ko mula sa dagok ng kanser sa aking dibdib at sa aming buhay ay: Marami palang taong nagmamahal sa akin at sa aking pamilya. May silbi pa kami sa mundo dahil nagbigay sila ng pera para makapagpagamot ako. Nag-abuloy sila para mapondohan ang aking chemotherapy, radiotherapy, gamot, lab test, etc. etc.
Mahigit isang daang tao sila, mga taong hindi ko nakikita sa loob ng matagal na panahon, mga taong nakalimutan ko na kung saan ko nakilala. Higit isang milyong piso na ang nalikom na salapi mula noong nagkasakit ako noong 2004. Mga donasyon mula limang daang piso hanggang isang daang libong piso bawa't isa.
Noong 2005, nalaman sa aking regular check-up na kumalat na pala ang kanser sa ibang bahagi ng aking katawan. Ayon sa statistics, ang Stage 4 breast cancer patients ay may 16% chance ng survival up to five years. Ibig sabihin, tatlo lamang sa bawa't dalawampu ang mabubuhay ng hanggang limang taon. Pero ito ay base sa nakaraang karanasan. Naniniwala ako na ang nakaraan ay hindi ko dapat gamitin para italaga ang mangyayari sa hinaharap.
Kaya ang pangalawa kong natutunan sa pagkakaroon ng kanser, ay maaari palang mabuhay ng may kanser. Para lang itong hika o diabetes, mga karaniwang sakit na matagalan ang gamutan. Pero lahat ng biktima ay maaari pa ring makapamuhay ng may dangal at kabutihan ng puso.
Siyempre masama ang loob ng aking mga anak noong nalaman nila na kailangan ko ulit ng panibagong gamutan. Sabi ng panganay ko na noon ay Grade 5, “Di ba Ma, magaling ka na? Di ba nagamot ka na?” Kaya ikinumpara ko na lang sa sipon ang kanser. Gumagaling ka sa sipon, pero nagkakasipon ka uli. Minsan may sintomas, minsan wala. Minsan mahirap huminga, minsan hindi.
Noong mga panahong iyon, halos araw-araw akong tinatanong ng bunso ko na noon ay nasa Grade 1, “Mama, mamamatay ka na ba?”
Siyempre, hindi napapanatag ang loob ng mga bata hangga't ginagamot ako, pero kailangan din nilang matuto ng kanilang sariling mga leksiyon. At sila na mismo ang sasagot sa mga iba pa nilang katanungan. Nakakadurog ng puso at labis na nakakapagod kung iisipin ko pa ang nararapat na sagot sa lahat ng kanilang mga agam-agam.
Noong 2004 ng una akong ma-diagnose, tumigil ako sa pag-aaral sa gabi para sa aking MBA. Anim na buwan ang ibinigay kong panahon sa pagpapagamot. Noong 2005, ng kumalat na ito, itinuloy lang ang aking pag-aaral sa gabi kahit muli akong ginagamot. Nagtataka nga ang pasyente na kasabay ko magpa-check up sa oncologist. Sabi niya, “Doc, nag-e-MBA pala Itong si Carla kahit nag-ke-chemo, pwede pala iyon.” Ang sagot naman ng doktor ko, “Hindi ko na pinipigilan at baka lalong magkasakit.”
Ayoko ng huminto ang buhay. Gusto kong ipakita sa mga anak ko na kahit wala sa kamay ko ang oras ng aking pagpanaw, nasa kamay ko ang bawa't sandali habang ako'y nabubuhay. Kaya dapat mabuhay ako ayon sa mga pagkakataon, biyaya at mga pagpapalang ibinibigay sa akin ng Panginoon.Sa totoo lang, handa na akong mamatay. Updated ang insurance ko. Pag namatay ako, mababawasan ang mga utang na maiiwan ko sa asawa ko. Sinabi ko na rin sa kanya na gusto ko ng cremation. Nakakuha na rin ako ng lote sa sementeryo malapit sa amin---just in case. Pero hangga't may pagkakataon, lagi kong pinipiling mabuhay.
Uma-umaga, nagpapasalamat ako sa Diyos sa isa pang araw upang makapiling ang aking asawa at mga anak, isa pang araw para magtrabaho at mag-badminton, isa pang araw para makakuwentuhan ang mga kapatid ko sa ICANSERVE Foundation at ICANSERVE Message Boards (www.icanserve.net), isa pang araw para mag-aruga sa mga taong nakapaligid sa akin, isa pang araw upang magmahal at maglingkod sa aking kapwa.
Sobra ako noong nagmamadali na matupad ang aking mga obligasyon. Sabi ko, pag namatay ako, ayokong magkaroon ng unfinished business. Pinapaspasan ko ang trabaho ko sa opisina, binibili ko ang mga birthday gifts one year in advance, November 15 pa lang naka-distribute na ang mga Christmas gifts---lagi kong iniisip na baka hindi na ako umabot sa petsa na iyon. Ayokong ipagpabukas ang kahit na anong magagawa ko ngayon. Bibisita ako sa patay, sa maysakit, dalawa o tatlo sa isang araw---basta may panahon. Pinapakyaw ko baga---wari koy’ there’s no tomorrow. Wala ng bukas.
Noong 2006, sa aking regular check up, nakita na matapos ang panibagong gamutan, lima sa anim na bahagi ng aking katawan na pinamasyalan ng kanser ay nawala na. Meron pang isang natira sa leeg ko. Pitong doktor ang kinonsulta ko at anim sa kanila ang nagsabi na hindi ko pa kailangan magpagamot dahil hindi naman sigurado na kanser talaga ang naiwan na tama sa leeg ko. Bakit daw ang lima ay gumaling samantalang ang isang natira ay matigas ang ulo at hindi nag-responde sa gamot. Sinunod ko sila at hindi ang isang doktor na nagrekomenda ng panibagong chemotherapy.
Gayunpaman, na-depress ako. Lumipas ang summer ng 2006 at doon na nga ako bumili ng lote sa sementeryo. Ginamit ko ang 13th month pay ko para doon. Tapos ayokong bumili ng bagong cell phone kahit na sobrang puno na ang memory ng luma kong telepono, at wala na akong ma-save na bagong mga numero. Katwiran ko, sayang naman ang pera, mamamatay na rin lang ako, bakit pa ako bibili ng bagong cell phone? Pero dumating ang Hunyo at naka-enrol na naman ako sa UP para sa aking MBA. At habang nakakapasok ako sa gabi, napagtanto ko na baka mahaba pa ang buhay ko, a. Baka matapos ko pa ang kurso ko. Kaya bumili na ako ng bagong cell phone---anyway, kung mamatay naman ako, meron at merong makakagamit at magmamana noon.
Ayan na nga…2007 na, pasado na ako sa kurso ko at ga-graduate na ako sa Abril. Nakita ko na rin mag-graduate ng elementarya ang aking panganay na Grade 4 lamang noong una naming makilala ang kanser sa buhay namin. At sa aking huling check up, nawala na ang misteryosong kanser daw sa aking leeg. Unremarkable daw ang resulta ng aking tests. Iyon ang nakasulat sa papel. Unremarkable. Sa eskwela pag unremarkable ang gawa mo, insulto iyon---ibig sabihin hindi impressed ang professor sa project o presentation mo. Pero sa laboratoryo, maganda ang matawag na unremarkable.
Noon pong 2005, nag-share din ako sa Silver Linings sa Maynila. Sinabi ko noon na meron akong dalawang mahalagang natutunan sa kanser:
Una, ang kaalamang maraming taong nagmamahal sa akin at sa aking pamilya. Kahit mawala na ako ngayon, bukas, sa makalawa, panatag ang loob ko dahil sigurado akong hindi pababayaan ng Diyos at ng aking higit isang daang donors ang aking asawa at mga anak.
Pangalawa, maaaring mabuhay ng may kanser. Hindi ito isang hatol ng kamatayan. Ito ay isang natatanging paraan upang mabuhay ng maligaya ang isang ordinaryong tao, habang tapat na naglilingkod at nagmamahal sa kapwa at sa Panginoon.
Pero ngayon, meron pa po akong pangatlong mahalagang natutunan:
Na ang Panginoon ay naghihimala para sa atin araw-araw. Bawa’t pag-gising ay isang himala na dapat gamitin para sa pagpapalawig ng kagandahan at kasiyahan sa mundo. Sa akin, personal na himala ang makatapos ng MBA, ang makitang magtapos ng elementarya ang aking panganay na anak, ang magkaroon ng resulta na unremarkable sa check up, at ang makarating muli dito sa Baguio City na huli kong nabisita noong 2002 pa bago namin maranasan ang mga ma-da-dramang tagpo ng kanser sa aming buhay-pamilya.
Sana tayong lahat na narito, may kanser man o wala, ay laging maging bukas ang kaisipan at mulat ang kalooban sa mga himala ng ating Panginoon. Marami pa siyang magagandang biyaya para sa atin, hindi lang ang araw, buwan, at mga bituin …kundi pag-ibig, buhay, kapatawaran, at pag-asa. Marami pa Siyang ipapagawa sa atin bago ang ating huling hininga.
Salamat po.
|